THE FILIPINO-JAPANESE JOURNAL

YOUR ONLINE SOURCE TO EVERYTHING JAPANESE & FILIPINO | BEHIND THE BYLINE - MARIA FLORENDA N. CORPUZ a.k.a. Keiko Kurane is a freelance journalist and editor with over eight years of professional experience in writing. Aside from being a freelancer, she is the Editor-in-Chief of FilJap Magazine and the Japan Correspondent of Pinoy Gazette, publications catering to Filipinos living and working in Japan. She was also the former Editor-in-Chief of Philippine Digest and Philippine Correspondent of Maharlika, magazine publications based in Tokyo, Japan. Page Rank Personal - Top Blogs Philippines

Sponsors & Ads

Para sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) na tulad ko, walang kapantay na kaligayahan ang hatid ng aking nakaraang pagbabakasyon sa Pilipinas matapos ang ilang taong paghahanapbuhay sa Japan. Muli ay nakapiling ko ang aking pamilya at mga kaibigan. Muli ko ring naranasan ang mga bagay na “Onli in Da Pilipins” ko lang masasaksihan.

Paglapag pa lamang sa Ninoy Aquino International Airport ng eroplanong aking sinasakyan ay masarap na pakiramdam na ang bumalot sa akin. Kahit pa tinawag na worst airport in the world ng isang interactive website ang paliparang ito, hindi maitatatwang hatid nito’y mainit na pakiramdam sa aking puso. Ang sabi ko nga sa aking sarili, “Iba talaga ang ‘Pinas, walang katulad.”


Pagdating sa immigration, sobrang habang pila ang aking nadatnan. May sistema naman sapagkat pinaghiwalay ang pila ng mga Philippine passport holders sa foreign passport holders. Nakakatuwang isang matamis na ngiti ang ibinigay sa akin ng immigration officer na nag-check ng aking mga dokumento. Nasaksihan ko rin ang pagbibigay-halaga at maayos na pagtrato nila sa mga OFWs na nandoon. Dahil dito’y hindi ko naiwasang hindi sabihin ang mga katagang, “Sana lahat ng nagbibigay-serbisyo dito sa airport ay katulad niyo.” Ngunit ang magandang serbisyong ito ay hanggang sa bahaging ito na lamang pala ng paliparan.

Sa baggage claim area. Hindi ko malaman kung saan ko ba kukunin ang mga checked-in baggage ko. Matagal akong nagpaikot-ikot hanggang sa napagpasyahan kong tanungin na ang isang airport personnel kung saang carousel ko ba makukuha ang aking mga bagahe. Ang sabi niya carousel 4 daw. Sa isip ko, “E bakit naman kasi walang nakalagay na flight number sa mga carousels na nandoon?” Punung-puno at siksikan tuloy ang mga tao sa bahaging ito ng airport. Karamihan sa mga pasaherong dumarating ay naghahanap sa kanilang mga bagahe.

Sa customs. Mahaba at walang kaayusang pila ang sumalubong sa akin. May mga dayuhang nagpupumilit sumingit kaya ang customs inspector, ayun galit na galit. Lalo pang uminit ang ulo nito at halos sigawan na sa mukha ang isang dayuhang punit-punit ang customs declaration form na i-prinisinta. Kaya ang nangyari, mahigit 30 minuto ang aking hinintay bago ma-check ang aking mga dalahin.

Sa pagkuha ng airport taxi. Iritable at hindi maipinta ang mukha ng mamang nag-a-assist. Inisip ko na lamang na marahil siya ay pagod. Subalit nang siya’y bigyan ko na ng tip, aba! Todo-ngisi ang mama! Daig pa ang commercial model ng isang toothpaste. Kilalang masayahin ang mga Pinoy kahit na sa gitna ng kahirapan. Ngunit sa aking pagbabalikbayan ay tila pilit na ngiti na lamang ang kaya nilang gawin. Naisip ko na dahil siguro sa sobrang hirap ng buhay.

Ilan lamang ito sa mga hindi magagandang eksenang aking nasaksihan sa ating paliparan. Kaya naman hindi ko masisisi ang ilang dayuhang nagbabato ng mga negatibong kritisimo tungkol sa ating bansa. Alam kong bilang isang Pilipino ay napakasakit nitong tanggapin. Ngunit sa halip na malungkot ay dapat na ito’y magsilbing hamon lalo na sa ating gobyerno upang pagbutihin ang kanilang pamamahala nang sa gayun ay malampasan at mapagtagumpayan natin ang pagsubok na ito.

Pero alam ninyo, kahit na ganito ang sitwasyon sa atin, babalik at babalik pa rin ako rito. Kasi nga naman, “There is no place like home.”

http://www.pinoyblogawards.com/

  1. florendacorpuz posted this